Bagong graduate sa pagiging pulis ang mga magsisilbing Board of Election Inspector (BEIs) kaugnay sa gaganaping special election sa Tubaran Lanao del Sur bukas (May 24).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. mayroong anim na raang PNP contingent at dalawang companies mula sa Special Action Battalion at mula sa Regional Mobile Force ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang nakatalagang magbantay sa gaganaping special election.
51 sa mga ito ay magsisilbing BEIs at ito ay mga bagong graduate na mga pulis na hindi residente ng Tubaran.
Sila ay new graduate mula sa PRO BAR at sinanay ng Commission on Elections (COMELEC) para maging BEIs.
Sinabi ni Danao na nanatiling mataas ang banta sa seguridad sa Tubaran para sa gaganaping special election kaya malaking pwersa ang kanilang itinalagang magbantay para matiyak na matatapos na itong payapa at maayos.
Sa katunayan aniya, bukod sa mga pulis may 400 sundalong ang katulong nila sa pagbabantay sa eleksyon bukas sa Tubaran.
Nasa walong libo ang inaasahang boboto sa special election bukas sa Tubaran na mula sa 12 Barangay ng nasabing bayan.