Mga pulis na may kahina-hinalang yaman, isasailalim sa lifestyle check

Muling isasailalim ng Philippine National Police sa lifestyle check ang mga pulis na narereport na may kahina-hinalang yaman.

Ito ang pahayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac matapos mapag-usapan sa pagdinig ng Senado ang umano’y pagkakaroon ng mamahaling sasakyan at relo ng ilang pulis sa Pampanga matapos ang kontrobersyal na drug operation noong 2013.

Aniya, regular na nagsasagawa ng lifestyle check ang PNP Internal Affairs Service sa bawat miyembro ng PNP at walang namomonitor na pulis na may tagong yaman.


Pero kung may mga report na may ilang pulis ang may mga kahina-hinalang yaman ay muli nila itong isasalang sa lifestyle check.

Bahagi aniya ito ng Internal cleansing campaign ng PNP, para matukoy kung sino sa kanilang hanay ang posibleng sangkot sa iligal na gawain.

Basehan aniya ng imbestigasyon ng IAS ang Statement of Assets and Liabilities na isinusumite ng mga pulis sa pagtuklas kung mayroon silang tagong-yaman.

Kung mapatunayan na may hindi idineklarang assets sa kanilang SALN ang mga pulis, ay mahaharap din sa karagdagang kaso ng  “purgery” ang mga ito dahil sa pagsisinungaling sa kanilang SALN.

Facebook Comments