Mga Pulis na Nadis-armahan ng mga NPA, Iniimbestigahan na ng PRO2!

Isabela – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Police Regional Office 2 sa kaso ng limang pulis na hinarang at dinis-armahan ng tinatayang 25 kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Lagis, Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela.

Limang Pulis, Inagawan ng Armas ng mga NPA!
Limang Pulis, Inagawan ng Armas ng mga NPA!

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Isabela Provincial Director P/Col. Mariano Rodriguez, nilinaw nito na nasa PRO 2 na ang isinumiteng mga report tungkol sa insidente at iimbestigahan ito sa loob ng animnapung (60) araw.


Magugunita na noong Hulyo 5, 2019, naharang at nadis-armahan sa Checkpoint ng mga NPA ang limang pulis kung saan dalawa mula sa PNP Divilacan, dalawa rin sa PNP Cauayan City at isa sa PNP Cordon na naging dahilan ng pagkakasibak ng hepe ng PNP Cauayan at PNP Cordon.

Aniya, kakasuhan ng Administrative Case ang mga pulis na sangkot sa insidente kung mapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Paliwanag pa ni P/Col Rodriguez na ayon sa hepe ng PNP Divilacan, nasa official travel ang kanilang dalawang tauhan na sangkot sa insidente na inutusan lamang na magsumite ng report habang wala pa itong natatanggap na impormasyon kung nasa official travel din ang ibang sangkot na pulis.

Nilinaw rin ni Rodriguez na mananatiling haka-haka ang alegasyon na mayroon umanong sinamahang pulitiko ang mga sangkot na pulis hanggat hindi pa naglalabas ng resulta ng imbestigasyon ang pamunuan ng PRO2.

Samantala, nagsagawa naman ng pagpupulong ang Provincial Police Office kaugnay sa nasabing insidente at sa nangyaring pagpatay sa isang kasapi ng Provincial Task Force on Environment na kinilalang si Celso Asuncion.

Tiniyak ni Rodriguez na masasampahan ng kasong pagpatay ang mga responsableng NPA.

Facebook Comments