Cauayan City, Isabela- Nakaiskor ng doble ang PNP Reina Mercedes sa kanilang paghahain ng warrant of Arrest sa isang lalaki na wanted sa batas matapos na makaaresto ng mag live-in partner na tulak ng illegal na droga partikular sa compound ng isang Rice Mill sa Brgy. Tallungan sa naturang bayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Christopher Danao, hepe ng pulisya, ang mga suspek ay nakilalang sina Ricardo Cariaga Sr., drayber, residente ng Brgy Apanay Alicia Isabela at live-in partner na si Rency Sudio, 32 anyos na taga Talavera, Nueva Ecija.
Una rito, nagtungo ang mga kasapi ng PNP Reina Mercedes sa tinitirhang compound sa brgy Tallungan ng nagngangalang Xerxes Inera upang isilbi ang warrant of arrest nito sa kanyang kasong Qualified theft at nang makarating ang mga pulis sa bahay ni Inera ay nabanggit ng kanyang asawa na kagagamit lamang ng kanyang mister ng droga.
Habang nasa lugar ang mga pulis ay napansin din ang nakabukas na pintuan at dito nakita na may nakapatong na droga sa ibabaw ng lamesa kaya’t agad na pinasok ang kwarto na tinitirhan ng mag live-in partner na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 19 sachet ng hinihinalang shabu at pera na napag-bentahan na nagkakahalaga ng Php 16,850.00.
Inamin naman ni Sudio na sangkot ito sa pagtutulak dahil siya aniya mismo ang nagre-repack sa mga ibinebentang droga.
Nahuli rin ng mga otoridad ang lalaking anak ni Cariaga Sr. matapos na sabihin ni Sudio na magkasosyo ang mga ito sa illegal na gawain.
Nasa dalawang (2) sachet naman ng hinihinalang shabu ang nakuha sa pag-iingat ni Inera na kasama rin sa mga nahuli.
Ayon pa kay PCapt Danao, nasa kustodiya na ngayon ng kanilang himpilan ang mag live-in partner kasama ang anak ni Cariaga at ang lalaking sinilbihan ng mandamiento de aresto maging ang 21 na nakumpiskang mga droga.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa mag live-in partner habang patuloy pa ang isinasagawang follow-up investigation ng mga otoridad upang malaman kung sino-sino pa ang mga kasabwat ng mga naaresto.