Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa sa kanyang mga tauhan na nakatalaga sa mga quarantine control points na maging mas alerto para hindi malusutan ng ginagawang pag-atake ng mga threat groups.
Ginawa ni Gamboa ang paalala matapos ang apat na insidente ng pananambang at pambobomba sa mga pulis na nakatalaga sa mga quarantine control points sa Maguindanao, Misamic Occidental at Taytay Palawan.
Ayon kay Gamboa, lahat ng Police Regional Offices ay kanyang ipinaalerto para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng security measures laban sa mga threat groups o lawless elements.
Giit ni Gamboa, ang ginagawa ng mga threat groups na ito sa kanyang mga tauhan ay hindi magpapapigil sa kanila para ipatupad ang batas at protektahan ang bawat komunidad.
Sa apat na pag-atake ng threat groups, ang pinakabago ay ang ginawang pagpapasabog ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Meta Datu Unsay, Maguindanao kaninang pasado alas-2:00 ng hapon.
Wala namang naitalang nasugatan o namatay sa pagpapasabog.