Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Debold Sinas na isailalim sa drug test ang lahat ng miyembro ng Olongapo City Police Office (OCPO) partikular ang mga miyembro ng City Drug Enforcement Unit (CDEU).
Ito ay makaraang maaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na pulis ng Olongapo PNP sa pagsalakay kaninang madaling araw sa isang shabu laboratory sa loob ng Subic Freeport Zone kung saan nakuha ang mahigit isang kilo ng shabu.
Kinilala ang apat na pulis na sina Police Lieutenant Reynato Basa Jr., Police Corporal Gino dela Cruz, Corporal Edesyr Victor Alipio at Corporal Godfrey Duclayan Parentela na pawang mga miyembro ng CDEU.
Kasabay nito may direktiba rin si Gen. Sinas kay Pol. Maj. Gen. Marne Marcos, PNP Director for Investigation and Detective Management (DIDM) na tutukan ang pagsasampa ng kriminal na kaso laban sa mga naturang pulis.
Iniutos din ni Gen. Sinas sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na agad simulan ang summary dismissal proceedings laban sa apat na pulis.