Sinibak sa pwesto ni NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar ang dalawang pulis at isang police asset na inaresto matapos “manghulidap” ng isang lalaki sa Pasig City.
Ito ay matapos na ireklamo ng biktima ang mga pulis na sangkot sa pangongotong na sina, Police Colonel Roy Duman-Ag, patrol man Pat Velarde at ang police asset na si Janus Francisco.
Ayon sa biktima, naglalakad siya sa M. Eusebio Avenue Barangay San Miguel sa Pasig City nang harangin siya ng mga kawatang pulis.
Pinalibutan ‘umano’ siya ng mga pulis at dinala sa kubo-kubo matapos na takutin na huhulihin dahil sa iligal na droga.
Nakuha sa biktima ang P850 at isang wedding ring.
Ayon kay Eleazar, agad nilang inaksiyunan ang nasabing report matapos na magsumbong ang biktima sa presinto dahilan para agad ding mahuli ang mga suspek.
Napag-alaman din na ang mga pulis na nahuli ay naka-assign sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig City.
Nahaharap sa kasong grave misconduct and robbery hold-up ang mga pulis kabilang na ang police asset.