Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga pulis na nakatalaga sa COVID-19 isolation facilities at tumutulong sa mga medical worker ay sumasailalim sa rapid tests pagkatapos ng kanilang duty.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, agad na isasailalim ang mga pulis sa PCR testing kapag nagpositibo sa COVID-19 ang mga ito sa rapid test.
Dagdag pa ni Año, nakasuot din ang mga pulis ng Personal Protective Equipment (PPE) sa mga pasilidad at sa mga sumasama sa health workers para kunin sa mga komunidad ang mga residenteng nagpositibo sa COVID-19.
Nagpapatupad din ng ‘relyebo system’ o shifting sa mga pulis para makapagpahinga ang mga ito sa kanilang trabaho.
Ginagawa aniya ang mga preventive measure na ito para maiwasang mahawaan ng virus ang mga pulis na ikinokonsiderang mga frontliner.