Hinihikayat ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang mga pulis na dawit sa madugong “war on drugs” ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumantad na at magsalita.
Ginawa ng kongresista ang panawagan kasunod na rin ng pagbubukas ng Department of Justice (DOJ) sa 52 kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Bunsod nito ay hinihimok ni Zarate ang mga pulis at iba pang dawit sa extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng drug war na lumantad na at sabihin ang lahat ng mga nalalaman.
Giit ng mambabatas, bago pa man maging huli ang lahat at bago pa sila mabiktima ng kahina-hinalang nanlaban na kwento ay lumabas at magsalita na ang mga police personnel.
Paalala ni Zarate, dapat mapagtanto ng mga pulis na sabit sa gyera kontra iligal na droga na hindi sila mapoprotektahan ni Pangulong Duterte lalo na kapag ito ay wala na sa kapangyarihan.
Natitiyak aniyang mas magiging abala ang Pangulo na depensahan ang sarili laban sa mga patong-patong na kaso kapag umalis na ito sa pwesto.
Mainam aniya na ngayon pa lang ay lumantad na ang mga ito upang matulungan na mabigyang hustisya ang mga biktima at mapanagot ang mga tunay na responsable sa mga kaso.