Pinasisibak ni Deputy Speaker Mikee Romero kay PNP Chief Debold Sinas ang mga pulis na sangkot sa marahas na “rescue operation” sa Lumad Bakwit School sa University of San Carlos sa Cebu City.
Sa talumpati ni Romero sa plenaryo, kinukundena nito ang nakakabahalang operasyon na pinangunahan ng mga pulis.
Ang mga kabataang Lumad na inaresto ay hindi binasahan ng Miranda Rights, bukod pa sa binitbit at sinakal pa ang mga ito na para aniyang mga baboy.
Iginiit pa ng kongresista ang pagpapalaya sa mga estudyanteng Lumad at hindi na ito dapat na maulit pa sa sinumang kabataan kasama na ang mga katutubo.
Samantala, inihain naman ng Makabayan Bloc ang House Resolution 1590 na nagpapaimbestiga sa naging marahas na raid sa mga guro at mga mag-aaral.
Ayon sa Makabayan, marapat na imbestigahan ng House Committee on Human Rights ang naganap na raid “in aid of legislation” upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.