Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nasa restrictive custody na ang tatlong pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng isang E-sabong master agent sa San Pablo City, Laguna.
Kinilala ang mga ito na sina Patrolman Roy Navarete, Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Master Sergean Michael Claveria ng Laguna Provincial Intelligence Unit.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, naka-administratively relieved na rin si Laguna Provincial Police Office Director Col. Rogarth Campo para maiwasang maimpluwensyahan ang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Aniya, inaasahang maisasampa na ng mga imbestigador ang reklamo laban sa mga pulis na ito sa susunod na mga araw.
Nauna nang inakusahan ng E-sabong operator na si Charlie “Atong” Ang si Campo na tumanggap umano ng P1 milyon mula sa kaniya.
Positibo ring itinuro si Campo ng mga humarap na saksi sa Senado hinggil sa umano’y pagdidispatsa sa mga nawawalang sabungero.