Mga pulis na sangkot sa umano’y ‘cover-up’ sa nangyaring hit-and-run, sinampahan ng kaso sa PLEB-QC

Inireklamo sa People’s Law Enforcement Board o PLEB-QC ang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) na si PLt. Col. Julio Abong.

Si Abong ay kinasuhan ng mga kapatid ng biktima ng hit and run na sina Arlene Laroa Buenvenida, Annale Laroa Alba at Armida Laroa Carbonel.

Mga kasong grave misconduct, grave neglect of duty and conduct unbecoming of a police officer ang kanilang isinampa.


Iginiit ng mga kapatid ng biktima, na si Abong ang nagmamaneho ng itim na Ford Ranger pick-up na may plakang NCG 8456, nang mabundol ang kanilang kapatid na tricycle driver, at sa halip na saklolohan ay tinakasan pa nito.

Kinasuhan din ng magkakapatid ang Station 3 Commander, na si PCol. Alexander Barredo, at ang kaniyang subordinate, na si PCpl. Joan Vicente, dahil sa hindi pagdakip kay Abong.

Hindi rin pinaligtas ng magkakapatid na kasuhan ang traffic investigator na si PSMS. Jose Soriano sa kaniyang direktang partisipasyon para pagtakpan ang ginawang krimen ng opisyal.

Nangako naman si Atty. Rafael Calinisan, Executive Officer ng PLEB na kanilang masusing iimbestigahan ang insidente ng walang papaboran at walang kinatatakutan.

Kasabay nito, inatasan din ni QC Mayor Joy Belmonte na siyasating mabuti ang insidente at tiyaking mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.

Facebook Comments