Ikinatuwa ng buong hanay ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakapili kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang pang-25 na PNP Chief.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu, natutuwa ang Police Officers Corps at rank-and-file sa pagkakatalaga kay Sinas bilang bagong pinuno ng PNP.
Si Sinas ay miyembro ng Philippine Military Academy “Hinirang” Class of 1987 at kaklase nina PLt. Gen. Guillermo Eleazar, PLt. Gen. Cesar Hawthorne Binag at PMaj. Gen. Joselito Vera Cruz.
Itinalaga si Sinas bilang bagong PNP Chief dahil sa pagreretiro na bukas sa serbisyo ni PNP Chief General Camilo Cascolan.
Si Sinas ay nagsilbing Regional Director ng National Capital Region Police Office at Police Regional Office 7 sa Central Visayas pagkatapos ang dalawang taon niyang pagsisilbi bilang Secretary of Directorial Staff sa National Headquarters sa Camp Crame at iba pang units sa PNP.
Naging kontrobersyal din si Sinas dahil sa umano’y paglabag sa community quarantine matapos na mag-mañanita sa kaniyang birthday noong Mayo.
Siya ay magreretiro sa May 8, 2021.