*Cauayan City, Isabela-* Sumailalim sa Annual Physical Examination (APE) ang bawat miyembro ng kapulisan sa Lalawigan ng Isabela upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Layunin ng nasabing pagsusuri na maagapan agad kung may karamdaman o sakit ang isang pulis at mapangalagaan din ang kanilang kalusugan habang sila’y nasa serbisyo.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Col.Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, kailangan aniya ito upang mamintina ang kanilang kalusugan na walang iniindang sakit upang hindi maging sagabal sa kanilang trabaho.
Kaugnay nito, karamihan sa mga naitalang sakit ng mga sumailalim na pulis ay high blood, lagnat, ubo at sipon dahil na rin sa pabago-bagong klima o panahon.
Payo naman ng kanilang Doktor na panatilihin lamang ang pag-ehersisyo, bawasan at iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ang naturang APE ay libreng isinagawa sa mga komonsultang pulis ng Isabela.