Sa kabila ng umiiral na no leave policy, inaprubahan pa rin ni Philippine National Police Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang pagbibigay ng Christmas at New Year break sa mga pulis.
Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga pulis na makasama ang kanilang pamilya ngayong Holiday season.
Gayunman, nilinaw ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo na may nakalatag na kundisyon para sa mga mag-a-avail nito.
Aniya, maaari lamang umuwi ang mga pulis mula alas-5 ng hapon ng December 24 at December 31 at hanggang alas-5 ng umaga ng December 25 at January 1.
Dapat din aniyang mag-report ang mga pulis sa mga himpilang malapit sa kanilang bahay upang matiyak na reresponde sila sa sandaling kailanganin ng pagkakataon.
Kasunod nito, muling pinaalalahanan ng liderato ng PNP ang kanilang mga tauhan na iwasang magpakalasing at huwag gamitin ang kanilang mga baril sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon dahil mahaharap sila sa kaukulang parusa at posibleng pagkakasibak sa serbisyo.