Mga pulis pinayuhang huwag magpapansindak sa mga traffic violators na nagpapakita ng calling cards ng mga high ranking police at gov’t officials

 

 

 

Inutos mismo ni PNP OIC Lt Gen Archie Gamboa sa lahat ng miyembro ng Philippine National Police na huwag pasisindak sa mga indibidwal na nahuling lumabag sa batas trapiko at nagpapakita ng mga calling cards ng mga matataas na opisyal ng PNP at gobyerno para maabswelto sa paglabag.

 

Sinabi ni Gamboa hindi kinokonsinti ng PNP ang mga ganitong diskarte, lahat aniya ng lumalabas sa batas ay dapat hinuhuli.

 

Aniya mahaharap sa kasong administratibo ang pulis na mapapatunayang nagpasindak sa yabang ng isang violators.


 

Ginawa ni Gamboa ang babala sa kanyang mga tauhan lalo’t inaasahang mas titindi ang traffic ngayong holiday season at ilang sa mga motorista gagamitin ang hawak nilang calling cards para makausad sa traffic.

 

Inutos na rin ni Gamboa sa mga pulis na mahigpit na ipagbawal ang paggamit ng sirena o blinkers sa mga sasakyan ng mga pribadong indibidwal o kahit maging sa mga opisyal ng gobyerno.

 

Giit ni Gamboa maraming hindi sumusunod sa batas trapiko at nagpapatuloy ang palakasan system kahit sa simpleng traffic violations.

 

Kaya naman inilabas nya ang mga ganitong direktiba sa kanyang mga tauhan.

Facebook Comments