Pinayuhan ni PNP Director for Operations PMgen. Emmanuel Licup ang mga pulis na lumaban kung unang umatake ang New Peoples Army (NPA).
Ayon kay Licup, kahit na may umiiral na ceasefire, hindi nito pinipigilan ang mga pulis na ipagtanggol ang kanilang sarili kung sila ang unang atakehin ng NPA.
Ang pahayag ay ginawa ni Licup sa indignation rally na nilahukan ng 200 HPG at private sector riders sa Camp Crame ngayong umaga kasabay ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines o CPP.
Sinabi pa ng opisyal wala magagawa ang PNP kundi sumunod sa gobyerno na magpatupad ng ceasefire sa pagitan ng NPA at irerekord na lamang nila ang mga ceasefire violations ng NPA.
Matatandaang nagkaroon ng serye ng pag-atake ang NPA sa mga sundalo at pulis sa Bicol, Iloilo at Quezon na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng ilan pa kabilang ang dalawang pulis, ilang oras matapos na magdeklara ng unilateral ceasefire ang gobyerno.
Pero bago ito una nang sinabi ng PNP na hindi nila inirekomenda na magkaroon ng ceasefire, dahil hindi ito siniseryoso ng NPA.