Cauayan City, Isabela- Naka-full alert na ang 150 na mga pulis mula sa Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na nakatakdang i-deploy sa mga lugar sa Lalawigan na posibleng maapektuhan ng bagyong “Ramon”.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt.Sharon Mallilin, Public Information Officer (PIO) ng CPPO na anumang oras ngayong araw ay nakahanda lamang para sa deployment ang kanilang hanay para matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa buong probinsiya.
Base na rin sa direktiba ni P/BGen. Angelito Casimiro, Regional Director ng PR02, nagsimula pa ang kanilang full-allert status noong biyernes ng alas 5:00 ng hapon at pinabalik na rin sa duty ang mga naka-leave na pulis habang hindi pa pinayagan ang mga nakatakda sanang magbabakasyon hangga’t hindi pa nakalabas sa Philippine Area of Responsibility ang naturang bagyo.
Kaugnay nito, mahigpit ngayon ang isinasagawang monitoring sa mga lugar na itinuturing na ‘high risk’ ng pagbaha at landslide.
Pinayuhan na rin ang publiko na maging alerto, mapagmatiyag at sumunod sa mga mandato ng kanilang hanay lalo na sa pag-evacuate para na rin sa layuning “Zero Casualty” sa pananalasa ng bagyo.