Isinumite na ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Police Lieutenant Gen. Camilo Cascolan ang plano para isailalim sa refresher course ang mga pulis sa Mindanao.
Ito ay matapos ang shooting incident na naganap sa Jolo, Sulu nitong Lunes kung saan napatay ng mga pulis ang dalawang opisyal at dalawang enlisted personnel ng Philippine Army matapos umanong mapagkalamang mga kalaban.
Ayon kay Gen. Cascolan, kung approved kay PNP Chief ang plano, siya mismo ang magtutungo sa Mindanao para magsagawa ng seminar-lecture sa mga pulis.
Kasama sa tatalakayin sa seminar ang tamang attitude o asal sa trabaho, pagsasanay sa pagkakaroon ng self-control at paggalang sa karapatang pantao.
Si Gen. Cascolan ang bumalangkas ng Enhanced Managing Police Operations (E-MPO) manual na ginagamit ngayong “guide-book” ng PNP sa tamang “police work”.
Ayon sa opisyal, nitong mga nakalipas na buwan kung saan nakatutok ang PNP sa COVID-19 Pandemic, panahon na rin para bisitahin ang tropa at ipaalala sa kanila ang kanilang mga mandato.