Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga pulis sa Natonin, Mountain Province, matapos maglakad ng isang oras sa bundok para lamang matulungang makarating sa ospital ang isang babaeng buntis.
Ayon kay Eleazar, nagsasagawa ng flag raising ceremony ang mga pulis ng Natonin Municipal Police Station nitong nakalipas na Araw ng Kalayaan nang makatanggap sila ng tawag kaugnay sa isang buntis na kailangang isugod sa ospital.
Agad tumungo ang isang team na pinamumunuan ni SSG Darel Bacwadang sa Sitio Batnong sa Barangay Banawal para sumaklolo.
Naglakad ang mga pulis ng mahigit isang oras mula sa daan para marating ang liblib na Sitio sa kabundukan.
Pinagtulungan ng mga pulis na bitbitin ang buntis patungo sa kanilang sasakyan sa pamamagitan ng isang improvised stretcher at maayos na nadala ito sa Anastacia Rafael Sagel Memorial Hospital sa Barangay Poblacion.
Para kay PNP Chief, “Ipinakita lamang ni PSSG Bacwadang at mga kasama nito, na ang pulis na tunay at tapat sa serbisyo ay hindi napapagod sa pagresponde sa nangangailangan ng tulong,”
Hinikayat naman ni Eleazar ang lahat ng PNP personnel na tularan ang mga pulis na ito sa pagresponde sa oras ng pangangailangan.