Mga pulis sa NCR, mas inalerto para bantayan ang mga mass gathering sa harap ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 Delta variant

Mas naging mahigpit ang utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para ipatupad ang quarantine rules at bantayan ang mga pagtitipon sa gitna ng banta ng COVID-19 Delta variant.

Ito ay matapos magbabala ang OCTA Research group sa publiko na dadalo sa mga pagtitipon sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng mas nakahahawang variant ng Coronavirus.

Ayon kay Eleazar, napakarami pa rin ang nasisita at nahuhuli dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag sa mga health safety protocols.


Nakakalungkot aniya ito, dahil sa kabila ng paulit-ulit na paliwanag at mga ulat sa epekto ng COVID-19, lagi pa rin nauuwi sa pagsisita at pag-aresto na pwede namang hindi na kung isasapuso lang ng bawat isa ang pag-iingat.

Sa ngayon, hinihintay na ng PNP ang magiging pasya ng gobyerno sa posibleng pagpapatupad ng “circuit-breaker” o dalawang linggong lockdown sa Metro Manila.

Sumang-ayon kasi si Health Secretary Francisco Duque III sa rekomendasyon na magpatupad ng “circuit breakers” sa harap ng local transmission ng Delta variant pero pag-uusapan pa ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Facebook Comments