Muling tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama ang mga uniformed personnel pati ang kanilang pamilya sa mga prayoridad na mababakunahan laban sa COVID-19.
Sa talumpati ng Pangulo sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, Sulu, sinabi nito na kanya nang sinabihan si National Task Force (NTF) on COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. patungkol sa planong pagsama ng mga pulis, sundalo at pamilya nito sa unang mababakunahan.
Aniya, kailangan lamang magpunta ang mga ito sa mga kampo upang magpaturok ng bakuna.
Bukod sa pamilya ng mga uniformed personnel, iginiit din ni Duterte na uunahin ding bakunahan ang mahihirap na Pilipino.
Samantala, inamin din ni Pangulong Duterte na natatakot siyang matamaan ng COVID-19.
Aniya, sa kanyang mga naging kaklase sa College of Law sa San Beda, apat sa mga ito ay nasawi na dahil sa katandaan.
Giit ni Pangulo, ito ang dahilan kung bakit niya kinakailangang magpa-injection.
Mababatid na sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya isasapubliko ang kanyang pagpapabakuna.