Nagbabala ang ilang transport group ng lalong pagkonti ng mga pumapasadang sasakyan bunsod ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Ayon kay Juliet de Jesus, managing director ng Samahan ng mga Transport Operators ng Pilipinas, asahang mas magkukulang pa ang mga public utility vehicles lalo’t may nakaamba namang panibagong oil price hike.
Nabatid na posibleng magtaas na naman ng hanggang mahigit piso ang presyo ng kada litro ng diesel ngayong linggo.
Kaugnay nito, umapela si De Jesus na bawasan man lang ng kalahati ang excise tax sa langis o kaya ay tuluyan na itong alisin.
Nabatid na ilang panukalang batas na ang inihain sa Kongreso para suspendihin ang fuel excise tax pero mariin itong tinutulan ng Department of Finance (DOF) dahil sa malaking kabawasan ito sa kita ng pamahalaan.
Sa halip na suspendihin ang excise tax sa petroleum products, itinulak naman ni Senator Sherwin Gatchalian na magbigay na lamang ng third tranche ng fuel subsidy para makaagapay sa mga driver at operator.