Mga PUV operators, dumulog sa Kamara para ipasa ang panukala sa makatwirang PUV modernization program

Humarap sa Kamara ang grupo ng mga Public Utility Jeepneys (PUJ) para humingi ng tulong at ipapanawagan ang pagpapasa sa panukala para sa patas at makatwirang PUV modernization program.

 

Kasama ng mga grupo mula sa Piston, ACTO, Stop and Go Coalition at alyansa kontra PUV phase out ang mayakda ng House Bill 4823 na si Diwa Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay.

 

Nanawagan si Aglipay na maipasa agad ang kanyang panukala para sa kapakanan ng mga PUJ operators at drivers.


 

Nilinaw ng kongresista na suportado nila ang modernisasyon ng pamahalaan sa mga PUVs ngunit dapat ay isaalang-alang din ang kapakanan ng mga mahihirap na single jeepney operators at drivers.

 

Inirereklamo ng mga jeepney operators ang napakamahal na halaga ng ipapalit sa mga jeepneys na ang isang unit ay aabot ng P2.4 million hanggang P2.8 million.

 

Dagdag pa ng mga operators, karaniwan na mga mayayaman at malalaking korporasyon lamang ang nakikinabang dito habang lalong malulubog naman sa utang ang mga mahihirap na jeepney drivers.

 

Sa Lunes ay ikakasa ng alyansa ang isang nationwide transport strike kung saan 97% ng mga PUJ at PUV operators ang makikilahok sa tigil pasada.

Facebook Comments