Ito ang ibinahagi ni Ginoong Jonathan Galutera, pinuno ng PWD Cauayan kung saan nakalatag na aniya ito sa kanilang mga gagawing plano oras na madagdagan ang kanilang pondo.
Plano aniya nito na magkaroon ng enhancement program para sa mga PWDs na maganda ang pagpapatakbo o pagpapaikot sa natanggap na tulong pangkabuhayan.
Sa ilalim ng enhancement program ay bibigyan pa ng karagdagang P5,000 ang isang deserving na PWD para pandagdag sa kanyang puhunan.
Mas mainam din aniya na mayroong ganitong reward na ibinibigay para sa mga nagsususmikap na PWD para lalong ganahan at mamotivate ang mga ito sa pagpapalago ng kanilang nasimulang maliit na negosyo.
Maswerte rin aniya ang Siyudad ng Cauayan dahil mayroong ganitong programa ang lokal na pamahalaan para sa mga may kapansanan.
Ayon pa kay Galutera, kada buwan ang kanilang ginagawang monitoring sa mga naka-avail ng livelihood assistance para matiyak kung ginamit ng mga ito sa pagkakakitaan ang kanilang natanggap na tulong.
Samantala, iginiit ni PWD Officer Galutera na hindi na makakatanggap ng livelihood assistance ang mga naka avail na PWD na nakitaan ng mismanagement sa natanggap na pera kundi ilalaan na lamang ito para sa iba pang may kapansanan.