Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na magbigay ng regalo na nagsusulong ng maayos na kalusugan at healthy lifestyle para sa kanilang mga mahal sa buhay ngayong Christmas season.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, importanteng ang mga ibibigay na regalo ay ligtas para sa mga makatatanggap nito.
Ang unang inirerekomenda ni Duque na maaaring ipangregalo ay face mask.
Bukod dito, pwede ring magregalo ng prutas, exercise gadgets o equipment para i-promote ang physical activity at tumaas ang resistensya ng tao laban sa sakit.
Maaari ring “do-it-yourself” (DIY) gifts para malimitahan ang in-store shopping.
Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na huwag munang gumamit ng pito o torotot bilang pampaingay sa pagdiriwang ng Bagong Taon dahil mabilis nitong naikakalat ang COVID-19 at iba pang sakit.
Sinabi ni Duque na maaaring kumapit ang virus sa mga ganitong gamit.