Mga regional directors, inutusan ni PNP Chief na magsagawa ng surprise inspections sa mga istasyon ng pulis

Utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar sa mga regional directors na magsagawa ng mga surprise inspections sa mga istasyon ng pulis sa kani-kanilang area of responsibility.

Layunin nitong matiyak na istriktong nasusunod ang ipinatupad niyang Intensified Cleanliness Program sa mga himpilan ng pulis.

Matatandaang nitong weekend, nagsagawa ng surprise inspection si Gen. Eleazar sa isang police station, tatlong police community precinct, at isang PNP Action Center sa Metro Manila.


Ayon sa PNP Chief, kuntento siya dahil nakita niyang nag-effort ang mga pulis na linisin ang kanilang mga istasyon, at maayos ang lahat sa loob ng kani-kanilang tanggapan.

Ngunit pinuna ni Eleazar ang mga naiwang upos ng sigarilyo at kalat sa halamanan sa harap ng istasyon, na maaari aniyang hindi napansin sa paglilinis.

Inaasahan naman ni Eleazar na ang mga area commanders ay magsasagawa ng regular na inspeksyon sa istasyon na kanilang nasasakupan para matiyak na maganda sa paningin ng publiko ang mga pasilidad ng pulis.

Facebook Comments