Mga regional officials ng PhilHealth, pinasasampahan ng kasong plunder

Inirekomenda ni Public Accounts Chairman Mike Defensor na isama sa mga kakasuhan ng plunder ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hanggang sa regional level.

Sa presentasyon ng kongresista sa ikalawang pagdinig kaugnay sa katiwalian sa PhilHealth, ang mga anomalya sa case-rate systems ay may kaparehong pattern na noon pang 2014 hanggang 2015 na kinasangkutan ng tinatawag na PhilHealth mafia.

Lumalabas na aabot sa ₱721.309 million ang inilabas na claims para sa case-rates at no-balance billing program ng PhilHealth sa siyam na regional offices nito.


Ang halagang ito ay wala man lamang billing statement o statement of account para sa mga pasyenteng miyembro ng PhilHealth.

Nagtataka rin ang kongresista na kapag sa ibang ospital tulad sa mga pribado ay napakabilis ang release ng pera sa ilalim ng Benefits Claims Committee.

Giit ni Defensor, malinaw na “plunder” ito dahil bilyon-bilyong pera na ang nawala sa PhilHealth kaya marapat lamang na makasuhan hanggang sa regional level upang malaman kung sino pa ang mga nag-sabwatan at nakinabang sa pera.

Samantala, inamin naman ni PhilHealth Senior Vice President Jovita Aragona na bagama’t computerized at fool-proof ang IT system para sa claims ng PhilHealth ay maaari pa ring maloko dito ang gobyerno.

Facebook Comments