MGA REGULAR NA MIYEMBRO NG NPA, MILISYANG BAYAN AT SPL, TUMIWALAG SA KILUSAN

Cauayan City, Isabela- Umaklas na sa kanilang kilusan ang 24 na mga miyembro ng Militia ng Bayan, dalawang armadong miyembro, at isang miyembro ng Sangay sa Partido sa Lokalidad ang Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Bagutong, Flora, Apayao.

Bilang pagpapakita ng kanilang pagtalikod sa sinampahang teroristang grupo, nanumpa ang mga dating rebelde ng kanilang katapatan sa bayan at nagkaisa ang mga ito sa pagsunog sa watawat ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Isang alyas Kira ang nagbahagi ng kanyang testimonya kaugnay sa mapait nitong karanasan sa loob ng kilusan na nag-udyok naman sa kanya para magbalik-loob sa pamahalaan.


Ibinunyag nito na talamak aniya ang nangyayaring pang-aabusong sekswal ng mga Kumander ng teroristang kilusan sa kanilang mga kasamahang kababaihan.

Bukod dito, isinuko ni alyas Kira at ng isa pa niyang kasamang rebelde ang isang (1) Cal. 45 na baril, isang .45 pistol magazine, mga bala ng .45, isang (1) anti-tank landmines, at mga subersibong dokumento.

Lubos namang nagpapasalamat si LtCol Angelo C Saguiguit, Battalion Commander ng 17th Infantry Battalion sa ginawang pagtalikod ng mga former rebels sa teroristang kilusan.

Inihayag naman ni BGen. Steve D Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi titigil ang kasundaluhan sa pagtupad ng sinumpaang tungkulin upang panatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Samantala, namahagi naman ng relief assistance ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga sumukong indibidwal.

Facebook Comments