Hiniling ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Kamara na imbestigahan ang reklamo ng mga motorista kaugnay sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Kinikilala ni Barbers ang magandang layunin ng NCAP para madisiplina ang mga motorista pero kailangan itong mabusisi para matiyak na naaayon ito sa batas at hindi magagamit sa pag-abuso at panggigipit.
Ang NCAP ay ipinapatupad ng Local Government Units (LGUs) at Metro Manila Development Authority o MMDA pero tanong ni Barbers sa pag-iral nito ay ano na ang mangyayari sa libo-libong traffic enforcers na sinuswelduhan ng pamahalaan kung mayroon ng NCAP na ipinapatuapd ang MMDA at LGUs.
Sa ilalim ng NCAP, ang may-ari ng mga sasakyan na makukunan ng larawan ng CCTV camera na nakapwesto sa mga lansangan na lumalabag sa batas trapiko ay padadalhan ng sulat ng violation na kailangang bayaran agad ang multa dahil kung hindi ay madidiskaril ang kanilang pagpaparehistro.
Ayon kay Barbers, base sa mga reklamo ay mukhang sa halip na maging solusyon ay naghatid pa ng problema at naging pahirap sa mga motorista ang NCAP at naging ugat din ng korapsyon.
Dagdag pa ni Barbers, hindi rin malinaw sa sistema ng NCAP kung sino ang mananagot sa mga sasakyang pag-aari ng gobyerno na pasaway sa batas trapiko ang nagmamaneho.