Mga reklamo laban sa pekeng contact tracers na nanghihingi ng pera ngayong may pandemya, dumami pa; LGUs at PNP, inatasang i-monitor ang iligal na aktibidad

Nababahala na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagdami ng mga reklamo laban sa pekeng contact tracers na nanghihingi ng pera sa kanilang nabibiktima.

Iniutos na ng DILG sa Local Government Units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na i-monitor at arestuhin ang mga nasa likod ng naturang modus.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na maliban sa COVID-19, may isa pang virus na kailangan pag-ingatan ng publiko.


Ito ay ang mga scammer na nakukuhang manamantala ng kapwa ngayong may krisis.

Modus aniya ng scammers na kuhanin ang personal information ng mga target nila.

Tatawagan nila ang mga bibiktimahin at iimpormahan na nagpositibo sa virus saka hihingan nila ito ng pera kapalit ng test kits.

Binigyang diin ni Año na huwag magpapaloko dahil ang Contact Tracing Teams ay hindi manghihingi ng pera.

Pinangungunahan ito ng LGU at sinusubaybayan ng DILG.

Facebook Comments