MGA REKLAMO NG MGA RESIDENTE NG BAYAMBANG UKOL SA WATER SUPPLY, SINAGOT NG BAYWAD

Sa pagpupulong na isinagawa ng mga miyembro ng MDRRM Council ng Bayambang, isa sa pinag usapan ang tungkol sa nagbabadyang epekto ng El Niño tulad na lamang ng posibilidad na pagkukulang sa tubig para sa mga household, establishments, at agricultural activities pati na rin ang mga naglipanang mga sakit ng tao at hayop tuwing sumasapit ang tag-init.
Sa nagbabadyang init ng panahon, uminit na ang ulo ng ilang mga residente at nagrereklamo ukol sa umano madalas na pagkawala ng suplay ng tubig sa mga barangay na nasa matataas na lugar.
Nagkaroon rin ng mga report sa di umano’y marumi at mabahong tubig na nagmumula sa kanilang mga gripo kung saan sinagot naman ng Bayambang Water District o (BayWad).

Ayon kay BayWad General Manager Francis Fernandez, sa ngayon ay hindi muna kakayanin ang bente kwatro oras na pagdaloy ng tubig sa mga matataas ng lugar sa bayan dahil ang nakakonektang tubo sa mga ito ay maliliit lamang. Ilang sa mga barangay na ito ay Sancagulis, Bical Sur, at Norte.
Huwag naman daw mangangamba dahil uumpisahan na rin naman na umano ang konstruksyon para sa pagkakabit ng mga malalaking tubo na siyang kukonekta sa water reservoir mula sa Brgy. Bani patungo sa mga naturang Barangay.
Mayroon din schedule ng mga araw kung saan sila ay magiikot ikot ng kanilang mga water tanker upang mamahagi at mag deliver ng tubig sa mga naapektuhang kabahayan.
Ang tungkol naman daw sa marumi at mabahong tubig ay dulot umano ng pagkawala ng pressure dahil sa ilang oras na walang dumadaloy na tubig kaya naman inabisuhan ang mga residente na maghintay ng kaunti hanggang sa luminaw na ang tubig na inilalabas ng kanilang mga gripo. |ifmnews
Facebook Comments