MGA REKLAMO VS DITO , PINAIIMBESTIGAHAN SA KONGRESO

 

HINILING ng isang kongresista na miyembro ng tinaguriang ‘Balik saTamang Serbisyo’ bloc ang pag-iimbestiga sa dumaraming reklamo laban sa DITO Telecommunity Corp.

Ayon kay dating Deputy Speaker at Laguna 1st Dist. Rep. Dan Fernandez, hindi maaaring magpikit-mata ang Kamara sa umano’y hindi
matapos-tapos na sumbong at akusasyong paglabag sa batas, kasama na
ang paglabag sa karapatan ng ilang homeowners’ association sapul nang mabigyan ng permit to operate ng pamahalaan ang DITO bilang third telco player ng bansa.

“Mula sa hindi pa masagot na isyu na may banta sa ating national security itong network rollout nila, paglabag sa ilang mandato ng
local government units (LGUs) at barangay at reklamo ng iba’t ibang komunidad, masasabi nating seryoso at dapat lang masiyasat ng Kongreso ang mga reklamong ito laban sa DITO telco,” tahasang sabi ni Fernandez.


“As soon as possible, I will file a resolution to formally ask the House leadership to direct the appropriate committee, which is most
likely the committee on information and communications technology, to immediately conduct an investigation,” dagdag pa ng Laguna lawmaker.

Sinabi ni Fernandez na dahil nagkukumahog na ang DITO na maabot ang target na 1,600 cell towers bago ang commercial rollout
nito sa Marso 8, maaaring nagiging bara-bara na ang kompanya, na kahit lumabag sa batas, huwag lang sumablay sa deadline sa kanila ng Department of Information and
Communications Technology (DICT).

“Sa Bayanihan Law 2, particularly under Sec, 6.8.2 of its Implementing Rules and Regulations (IIR), dalawa na nga lang ang requirements, na
dapat mayroong building permit in accordance to the National Building Code at height clearance from the Civil Aviation Authority of the
Philippines (CAAP) para sa construction, installation, operation, etc. ng telecom and internet infrastructures. Kaya sana naman itong
DITO Telco huwag maging pasaway, ipakita nila na worth it sila na mabigyan ng Certificate of Public Convenience and Necessity at may respeto at sumusunod sila sa ating batas,” ayon sa kongresista.

Ibinigay na halimbawa ni Fernandez ang napaulat na pag-iisyu ng Office of Building Official ng Bacolod City ng 1st Notice of Violation sa DITO
dahil sa umano’y illegal construction ng cell site sa Purok Himaya, Brgy. Alijis o paglabag sa Section 301 ng Presidential Decree 1096 o ang National Building Code of the Philippines.

Nauna rito ay inalmahan ng mga residente ng Purok Himaya, gayundin ng Purok Paghigugma sa Brgy. Alijis din, ang pagtatayo ng cell tower ng
DITO sa kanilang lugar kung saan naghain pa sila ng petition letter sa City Council na humihiling ng pagpapatigil sa nasabing konstruksiyon ng cell site.

Noong nakaraang Disyembre ay nagsampa naman ng reklamo ang Malabon City government sa City Prosecutor’s Office laban din sa third telco player dahil sa pagtatayo rin ng cell site sa Brgy. Tinajeros na walang kakukulang permit.

Bago ang pormal na paghahain ng reklamo, tatlong beses umanong inisyuhan ng notices ng Malabon LGU ang kompanya subalit binalewala lamang ito kaya kinasuhan na ito.

Kasong paglabag din sa PD 1096 o ang National
Building Code of the Philippines ang inihain laban sa DITO personnel na sina Engineers Hue Jidong at Jockey Mediola at anim na iba pa.

Facebook Comments