Mga report ukol sa adverse events, dapat tapatan ng mas malakas na information drive hinggil sa pagbabakuna

Hinimok ng OCTA Research Group ang gobyerno na palakasin pa ang information drive nito hinggil sa pagbabakuna.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Butch Ong na dapat tapatan ng malakas ng information campaign ang mga balita ukol sa adverse events following immunization (AEFI) para hindi matakot na magpabakuna ang mga tao.

Kasabay nito, nilinaw ng health expert na normal lang na makaranas ng adverse effects matapos na maturukan ng kahit na anong klase ng bakuna.


Aniya, mahalaga na hindi sine-sensationalize ang mga ganitong adverse events.

“Marami kasing nababasa sa social media lalo na yung mga hinimatay, nagkasakit but these are all expected. Actually, ako nga kapag nagbibigay ng flu vaccine minsan hinihimatay talaga yung pasyente sa takot sa injection, talagang ganon ‘no? It would help not to sensationalize yung sa minor… side effects ‘no. So, it’s really in the information campaign,” saad ni Ong.

Samantala, ayon kay Ong, maaari pa ring mahawa o makapanghawa ng COVID-19 ang isang taong nabakunahan na.

Pero dahil may proteksyon na, mas madaling mamamatay ang virus.

Gayunman, nakiusap si Ong sa publiko na sumunod pa rin sa minimum health standards hangga’t hindi natatapos ang vaccine rollout.

“Wala namang shield, na barrier na nagpe-prevent ng COVID na lumapit sa’yo pero because fo your immune system, sandali lang madi-defeat na yung virus,” ani Ong.

“Even if you’re completely vaccinated, dalawa ang doses na nakuha mo na, please still wear your mask, face shield and do social distancing until makumpleto yung vaccine rollout at lahat tayo may herd immunity na dahil pwede pa rin tayong mahawa at pwede pa rin tayong manghawa,” dagdag niya.

Facebook Comments