Pinaghahandaan na ng mga opisyal ng Barangay 847 Zone-92 sa Pandacan, Maynila ang isasagawang ‘hard lockdown’ sa kanilang barangay.
Ayon kay Brgy. 847 Chairman Ruben Flores Jr., ngayong araw ay iikot ang kanilang mga kagawad at tanod upang ipabatid sa mga residente ang panuntunan sa gagawing ‘hard lockdown’ kung saan bibigyan nila ng pagkakataon ang mga ito na bilhin na ang dapat bilhin lalo na’t dalawang araw na hindi maaaring lumabas.
Sinabi pa ng kapitan na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Manila Police District (MPD) at sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila para tumulong magbantay habang naka-lockdown ang kanilang lugar.
Bukod dito, nakikiusap din siya sa mga residente na huwag nang maging pasaway at ang kanilang hakbang na isinagawa ay para na rin sa kapakanan ng nakakarami.
Matatandaan na mismong ang opisyal ng Barangay 847 ang humiling na isailalim sa ‘hard lockdown’ ang kanilang lugar para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 kung saan magsisimula ito ng alas-12:00 ng hatinggabi ng June 1 at magtatapos ng alas-11:59 ng gabi ng June 2.
Nabatid na umaabot na sa 28 ang active cases ng COVID-19 sa Pandacan area habang 108 ang suspected, 2 ang probable, 3 ang namatay at 19 ang nakarekober.