Manila, Philippines – Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga residente na dinemolish kahapon sa Bliss Compound Brgy. Pag-asa ng mga tauhan ng QC Demolition Team at National Housing Authority na bigyan sila ng malilipatang tirahan.
Una rito nagkaroon ng kaguluhan ang nangyaring demolisyon kung saan isang pulis ang nasugatan na nakilalang si PO1 Archie Aure matapos tamaan ng ibinatong gasera ng ilang mga residenteng biktima ng demolisyon.
Binalewala ng mga tauhan ng QC Demolition Team ang pakiusap ng mga residente na huwag muna ituloy ang paggiba ng kanilang mga tirahan dahil mayroon umano silang nakuhang Temporary Restraining Order mula sa korte para hindi i- demolish ang kanilang mga bahay.
Pero sa kabila ng paliwanag at pagmamakaawa na mayroon silang nakuhang TRO, itinuloy pa rin ng NHA at ng Demolition Team na wasakin ang mga itinayong barong-barong sa Clubhouse ng Bliss Compound dahil wala silang maipakitang TRO.
Umaasa ang 33 mga pamilya na nawalan ng tirahan na pakikinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang apela na bigyan ng malilipatan gaya ng pagkunsidera ng pangulo sa mga miyembro ng Kadamay na nabigyan ng sariling bahay sa Pandi Bulacan.
DZXL558, Silvestre Labay