San Guillermo, Isabela – Walang dapat ikabahala ang mga residente ng San Guillermo, Isabela dahil mapayapa at tahimik na lugar ang nasabing bayan.
Ito ang iginiit ni Vice Mayor Felipe “Joven” Guyod Jr. sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa kanya.
Ayon pa kay VM Guyod Jr. nagkataon lamang umano na nagpang-abot ang mga sundalo at makakaliwang grupo sa Brgy. Guam kung saan nangyari ang magkasunod na engkwentro.
Matatandaan na naganap ang engkwentro noong Martes, Pebrero 2, 2019 ng umaga sa pagitan ng 86th Infantry Batallion at NPA sa Brgy. Guam, San Guillermo, Isabela.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng naturang bayan dahil wala naman naitalang nasawi o nasugatan sa mga civilian ng nasabing barangay.
Samantala, nagkaroon kahapon ng ugnayan sa mga mamamayan sa Brgy. Guam sa pangunguna ng 86th IB at napag-alaman na may mga nasirang pananim sa pinangyarihan ng engkwentro.
Kaugnay nito, inihahanda na ng LGU San Guillermo ang pinansyal na tulong para sa mga magsasakang nasiraan ng pananim na mais.