Wednesday, January 28, 2026

Mga residente sa isang Barangay sa Marikina City, posibleng mawalan ulit ng supply ng tubig ngayong araw dahil sa lumolobong utang

Hindi pa tapos ang kalbaryo sa tubig ng mga residente ng isang barangay sa Marikina City dahil sa pinangangambahang water interruption muli simula ngayong araw.

Ayon sa pamunuan ng Barangay Tumana, posibleng mawalan ulit ng tubig ang karamihan ng residente dahil sa muling pagtaas ng kinakailangang bayaran.

Sa ngayon, pumasok na rin sa kasunduan ang mga opisyal ng barangay na nagdodoble ng singil sa kanilang bayarin sa tubig kung saan papalo na sa P60 ang singil sa kada cubic meter mula sa dating P30 lamang na inalmahan ng mga residente.

Sa ilalim ng memorandum of agreement na pinasok ni Brgy. Captain Akiko Centeno, pansamantalang kukunin ng GBI, isang third-party operator ng Manila Water, ang pamamahala sa water system ng barangay sa loob ng tatlong buwan.

Pero dagdag-gastos naman ang kasunduan dahil bukod sa pagtaas ng singil sa tubig ay kinakailangan ding magbayad ang bawat kabahayan ng P1,200 bilang guarantee deposit.

Ayon kay Centeno, wala ibang puwedeng gawin ang barangay kundi pumasok sa pansamantalang kasunduan sa isang third party upang masuri at mapabuti ang water system.

Matatandaang umabot sa mahigit P37 million ang utang ng Tumana matapos umanong mabigong i-remit ni Centeno ang mga bayad na nakolekta mula sa mga residente.

Natigil lamang ang kawalan ng supply ng tubig sa barangay matapos ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagpasa ng ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na naglaan ng P15 milyon upang mabayaran ang bahagi ng utang sa Manila Water.

Facebook Comments