Halos wala nang makain at mabili na bigas ang mga residente sa Looc, Occidental Mindoro.
Ito ang kinumpirma ni Looc Mayor Marlon dela Torre sa interview ng RMN Manila matapos na tamaan ang kanilang mga palayan ng matinding tagtuyot bunsod ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Mayor Dela Torre, mas lumala pa ngayon ang epekto ng El Niño sa kanilang bayan matapos na bumagsak na rin ang ilang palayan na inaasahan nilang makaka-recover sana.
Kaya naman mula sa siyam na milyong piso noong nakaraang linggo ay pumalo na ngayon sa ₱12 million ang naitalang pinsala sa palay at mais sa bayan ng Looc.
Kasabay nito, muling nanawagan si Dela Torre sa national government ng tulong pinansyal para sa mga apektadong magsasaka.
Nakatakda ring isailalim sa State of Calamity ang Looc ngayong linggo.