Pinaghahanda ng provincial government ng Northern Samar ang mga residente nito sa ulang hatid ng Bagyong Bising.
Ayon kay Josh Echano, pinuno ng Northern Samar-Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), asahan na ang malakas na buhos na ulan na maaaring dulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga landslide at flashflood prone areas.
Partikular dito ang mga bayan ng Lapinig, Palapag, Mapanas, at Laoang na direktang maaapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon ay suspendido na ang sea travel sa Northern Samar.
Samantala, inabisuhan naman ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang mga residente sa Davao Region na mag-ingat sa posibleng pagbaha at landslide dulot ng malakas na pag-ulan na dala ni Bising.
Sa advisory ng ahensiya, ”very highly susceptible” sa landslide ang purok 15, 16, 17, at 22 ng barangay Mt. Diwata sa Monkayo, Davao de Oro kaya inirekomenda ang preemptive evacuation at paghinto ng mining activities.
Naka-full alert status na rin ang Philippine Coast Guard-District North Eastern Mindanao bilang paghahanda sa posibleng pinsala na maidudulot ng Bagyong Bising.
Nakahanda na rin umano ang mga mobility at floating assets sa lahat ng station at sub-station ng coast guard at sa buong rehiyon ng Caraga.