Monday, April 13, 2026

Mga residente sa Valenzuela City, pinag-iingat dahil sa hindi ligtas na kalidad ng hangin

Pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang mga residente matapos makapagtala ng hindi ligtas na kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng lungsod.

Ito ay bunsod ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill na nagdulot ng pagkalat ng usok sa mga karatig-lugar.

Partikular na pinayuhan ang mga residente sa Barangay Marulas, Canumay West, Dalandanan, at Tagalag.

Batay sa datos ng City Environment and Natural Resources Office, naitala ang Air Quality Index (AQI) sa 122, na itinuturing na hindi ligtas para sa mga sensitibong grupo.

Ibig sabihin, may katamtamang polusyon sa hangin na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga may hika, sakit sa puso, matatanda, at mga bata.

Pinapayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask, limitahan ang paglabas ng bahay, isara ang mga pinto at bintana, at manatiling hydrated upang maiwasan ang masamang epekto ng polusyon sa hangin.

Facebook Comments