Naglaan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P238 billion para matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Ito ang inihayag ni Acting Budget Secretary Rolando Toledo sa pagdinig ng Legislative Energy Action Development Council o House Deca Tri Committee.
Ayon kay Toledo, mula sa naturang halaga ay nai-release na ang P2.5 billion para sa sektor ng transportasyon, kasama ang P1 bilyon para sa service contracting.
Binanggit ni Toledo na umaabot naman sa P10 bilyon ang nailabas na para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Nakapamahagi na rin aniya ng ayuda sa pamamagitan ng Aid to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Dagdag pa ni Toledo, kasama din sa ginastusan ng pamahalaan ang repatriation sa mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFW).
Tiniyak naman ni Toledo na handa ang pamahalaan na palawigin kung kailangan ang ibang mga programa tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga health interventions sa ilalim ng Department of Health (DOH).










