Hindi muna pinayagang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng inilikas mula sa mga bayan na apektado ng ashfall sa muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon kahapon.
Nabatid na alas-3:37 ng madaling araw nitong Linggo ay muling pumutok ang bulkan, isang linggo lang makaraan itong sumabog noong June 5.
Bukod sa bayan ng Juban, naabot din ng ashfall ang mga bayan ng Casiguran.
Samantala, sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 106 na volcanic earthquakes sa paligid ng Bulkang Bulusan.
48 rito ay volcanic tremors na tumatagal ng 20 minuto.
Napansin din ng PHIVOLCS ang malaking buga ng usok ng bulkan na may 500 metro ang taas mula sa bunganga nito.
Naglabas din ang bulkan ng 4,627 tonelada ng sulfur dioxide kahapon.
Nananatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan kung kaya’t pinagbabawalan pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone at 2-kilometer extended danger zone.