Mga residenteng apektado ng masamang panahon sa ilang lugar sa bansa, patuloy na inililikas ng PCG

Patuloy ang paglikas ng mga residente sa ilang lugar na apektado ng walang-tigil na ulan at pagtaas ng tubig baha.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa humigit-kumulang 150 pamilya sa Plaridel at Oroquieta City, Misamis Occidental na ang kanilang nailikas.

Nasa 60 pamilya na rin ang apektado sa Southern Looc, Plaridel habang 90 pamilya naman na na-trap sa kani-kanilang tahanan ang tinulungan sa Oroquieta City.


Mga persons with disability (PWD), senior citizens at kabataan ang tinutukang ilikas ng Coast Guard sa iba’t ibang barangay ng Plaridel, partikular sa mga barangay ng Catarman, Southern Poblacion, Sta. Cruz, Usocan, Tipolo at Calaca-an.

Inihatid sila sa pinakamalapit na evacuation center para makatanggap ng karagdagang tulong mula sa Local Government Unit (LGU).

Samantala, patuloy rin ang rescue operations ng PCG sa Lamitan City, Basilan upang mailikas ang mga residente doon.

Tiniyak naman ng Coast Guard na ligtas na makararating sa evacuation center ang mga sanggol at iba pang kabataan para maingatan ang kanilang kalusugan.

Facebook Comments