Pinag-iingat ngayon ang mga residente na malapit sa mga establisemento gaya ng nangyari kagabi sa Barangay NBBS Navotas City.
Ito ay kasunod ng pagkaalarma ng mga residente ng komunidad na malapit sa TP Marcelo isang ice plant.
Alas-9 kagabi nang maalarma sa takot ang mga residenteng nakatira malapit sa isang planta ng yelo sa Road 10, Brgy. NBBS Navotas City.
Naglabasan at nataranta ang mga residente, dahil sa mabilis na kumalat ang balitang mayroong ammonia leak sa planta na katabi ng kanilang kumonidad.
Nabulabog ang mga ito dahil sa pag-aakalang mauulit na naman ang pagsingaw ng kemikal sa nakasarang Tp Marcelo Ice Plant.
Ang nabanggit na planta ay ang kaparehong pagawaan ng yelo kung saan nangyari ang ammonia leak na gamit sa ice plant na kapagsobra ang exposure ay maaring makamatay.
Matatandaang noong buwan lamang ng Pebrero nang mangyari ang ammonia leak na nagresulta sa pagkamatay ng 2-katao at pagkaka-hospital ng mahigit 20 iba pa.
Napasugod sa lugar ang alkalde ng lungsod na si Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco.
Ang pamilya Tiangco ang nagmamay-ari ng nabanggit na ice plant.
Dito ay napawi ang pangamba ng mga residente dahil lumalabas na mayroon lamang tubo sa likod ng planta na may ‘vapor’ o amoy ammonia na posibleng ito ang naamoy ng mga residente.
Halos mag-aalas-dose na ng hatinggabi nang ideklarang safe ang lugar kayat nagbalikan ang mga nagsinda-takot at nabulabog na mga residente ng NBBS Navotas City.