Mga restaurant group, humihingi ng tulong sa pamahalaan

Umapela ng tulong ang restaurant groups sa gobyerno sa pagbubukas ng kanilang mga negosyo ngayong isasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).

Sa virtual hearing ng House Committee on Trade and Industry, humarap ang mga pamunuan ng mga restaurant groups kabilang na ang Bistro Group, Foodee Global Concepts, McDonald’s at iba pa kung saan inilatag ng mga ito ang mga naging problema sa ilalim ng nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa.

Kabilang sa mga problema ang pagsasara ng mga restaurant chains, pagtatanggal ng mga tauhan, pagbagsak ng revenue at kakulangan sa delivery services.


Ayon kay Foodee Global Concepts COO Eric Dee, para sa mga dine-in restaurants ay malaking hamon sa kanila ngayon ang mga requirement at protocols para makapagpatuloy ng business operation sa GCQ.

Aniya, malaking adjustments ang food delivery at iba pang requirements sa mga negosyong nag-aalok ng “fine dine-in” dahil ang kanilang mga negosyo ay nakasentro sa “ambiance, experience at food” at hindi sa delivery.

Dahil dito, malaki na ang nalugi sa kanilang mga dine-in restaurants at napilitan silang isara ang malaking porsyento ng kanilang mga stores.

Tiniyak naman ng mga kabilang sa restaurant groups na kaisa sila sa “safe dine-in” experience.

Samantala, ang mga fast food chains tulad ng McDonald’s ay umapela rin na palawigin ang kanilang store hours ng hanggang 8 pm dahil apektado naman ang kanilang “dinner day part” ng ipinapatupad na curfew.

Sinabi ni Margaux Torres ng McDonald’s na kailangan na nilang magsara ng alas-singko ng hapon at naaabutan minsan ng curfew ang kanilang mga staff sa daan.

Maging ang mga nasa catering services ay apektado rin ng dagdag na gastos para sa pagpapatupad ng ‘new normal’.

Facebook Comments