Hindi na pananatilihin sa Metro Manila ang mga returning Overseas Filipino Workers (OFW) dahil ang mandatory quarantine ay isasagawa na sa kanilang home provinces.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) International Labor Affairs Bureau Director Alice Visperas, ang bagong protocol ay sinang-ayunan ng ahensya, Philippine Red Cross, at iba pang partner agencies.
Aniya, pagdating ng mga OFW sa Metro Manila ay isasailalim sila sa swabbing at kapag nailabas na ang resulta ay deretso na silang uuwi sa kanilang mga probinsya para doon magka-quarantine.
Paglilinaw naman ni Visperas na hindi lahat ng 340,000 OFW sa iba’t ibang panig ng mundo na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ay nais umuwi ng Pilipinas.
Nasa 180,000 ang nais manatili abroad, 85,000 ang stranded at naghihintay ng travel documents, 18,000 ang handa na para sa repatriation, at 49 ang nai-repatriate.