Hinimok ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang mga rice miller na direktang mag-deliver ng bigas sa Metro Manila.
Ayon kay SINAG Chairperson Rosendo So, mainam na hindi na idaan sa middleman ang mga bigas upang maibenta ito ng mas mura sa mga pamilihan.
Maliban dito, mas malaki rin ang pwedeng kitain ng mga retailer na direktang kumukuha ng bigas sa mga rice miller.
“Kung yung bumili, for example ay hindi directly nagre-retail, ang kita niya is P2 isang kilo kung ibebenta ng P38. Kung direkta naman, ang kita nila sa retail, nasa P4 per kilo,” paliwanag ni So sa panayam ng RMN DZXL 558.
Samantala, umabot na sa 72,560 metriko tonelada o 1.2 million bags ng bigas ang nabili ng SINAG mula sa mga lokal na magsasaka partikular sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Bahagi ito ng kasunduang nilagdaan ng grupo at ng National Food Authority (NFA) para sa pagbili ng 7.5 billion kilos ng palay sa mga magsasaka sa halagang P19 hanggang P20.
Layon nitong tulungan ang mga magsasaka sa gitna ng mahal na gastos sa produksyon at mababang farmgate price na sa kasalukuyan ay nasa P16.50 lang.
“Tuloy-tuloy tayong bibili, para at least e, makatanim ulit sila. Yun ang purpose natin, para sa consumer hindi makabili ng mataas na presyo and yung magsasaka naman, makakita ng konti,” ani So.
“Initially kasi ano e, ang peak ng harvest [ngayong buwan] is Region 1, 2, 3. Ito, siguro composed of 70% ng harvest ng buong Pilipinas. So, dito tayo nag-target muna pero mag-expand tayo sa Region 4, pababa ng other area para at least e matulungan din yung other part of the country,” dagdag niya.