Mga Sabungan sa Cagayan, Hindi pa Nabigyan ng Permit

Cauayan City, Isabela- Wala pang sabungan o cockpit ang binigyan ng permiso ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para mag-operate ngayong taong 2021.

Kinumpirma ito ni Gov. Manuel Mamba matapos makatanggap ng ulat na may mga nagpapa-sabong na sa Lalawigan.

Ayon sa Gobernador, iligal ang anumang sabungan na nag-o-operate sa Cagayan dahil wala pang nabibigyan ng permit ukol dito.


Ito ay dahil kailangang matiyak ang mga health protocols oras na payagan ang isang sabungan sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Kaugnay nito ay naglabas ngayon ng Executive Order si Gov. Manuel Mamba na naglalaman ng mga karagdagang rekititos bago makakuha ng permit sa Pamahalaang Panlalawigan ang isang cockpit operator.

Batay sa nilalaman ng E.O. 001, Series of 2021, bukod sa mga rekititos na nakasaad sa Revised Revenue Code ng Cagayan ay kailangang magsumite ang isang cockpit operator ng mga sumusunod:
1. Pag-indorso ng Sangguniang Bayan o Sangguniang Panglunsod kung saan ang operasyon ng sabungan.

2.Ilalatag na Covid-19 Safety Protocols alinsunod sa itinatakda DILG MC No. 2020-140 (Guidelines on the Resumption of Cockpit Operations or Cockfighting in Areas under Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ or Lower). Kailangang aprubado ng Municipal Health Officer ang ipapatupad na Covid-19 Safety Protocols.

Binigyang diin din sa EO 001, na walang papayagan na operasyon ng sabungan o anumang kaakibat na aktibidad hanggat wala itong wastong permit mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Inaatasan din ng Tanggapan ng Gobernador ang bawat hanay ng pulisya sa lalawigan at Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga sabungan sa kanilang nasasakupan para matiyak na nakakasunod ang mga ito sa bagong regulasyon.

Facebook Comments