Mga sangkot sa Pastillas Scam sa Bureau of Immigration, inirekomendang kasuhan ng isang komite sa Senado

Inirekomenda ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros na sampahan ng kasong kriminal ang 20 na mga dati at kasalukuyang opisyal ng Bureau of Immigration na sangkot sa “pastillas” bribery scam.

Kabilang sa mga kasong pinapasampa sa kanila ang katiwalian, plunder, paglabas sa code of ethical standards for public officials and employees at hindi pagdeklara ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Basehan ng rekomendasyon na nakapaloob sa draft committee report ang lumabas sa imbestigasyon ng komite na nakakapasok umano ng maluwag sa bansa ang mga Chinese nationals dahil sa P10,000 suhol na nakarolyo sa papel katulad ng “pastillas”.


Bukod dito ay inirerekomenda rin sa committee report na magkaroon ng karagdagang pagsisiyasat sa posibleng pananagutan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Ito ay dahil sa kaniyang pagkakatalaga kay Marc Red Mariñas at sa pag-iisyu ng Department Order No. 41 na nagpahintulot sa mag-amang Mariñas na magkaroon ng wide discretion sa pag-apruba ng Visa Upon Arrivals.

Facebook Comments